Mga liham na hindi pa naisulat
Inilathala ni Maacah Solis mula sa taong IV, bilang 7
Mahal kong kaibigan,
Sana iyong natatanggap, aking mga liham, sa panahon ngayon, marahil isa nalang ako sa mga hibang na hibang sa mga magsusulat. Aaminin ko sayo, ayokong umasa ka na ito ay magiging kahanga-hangang liham na iyong nabasa sa buong buhay mo, hindi ito ang aking hilig, sa katunayan, hirap na hirap akong kunin sa aking sarili ang inspirasyon. Kung ikaw ay nabubuhay sa panahon ngayon, madaming bagay na maaring tunan mo ng pansin, at ang mga ito ay posibleng maging hadlang sa iyong pagsulat ng liham. Marahil, ito nga ang nangyayari sa akin, matagal-tagal ko na rin, pilit iniiwasan ang maisulat ang "blog" ko na ito, mas gugustuhin ko pang lumabas, makihalubilo, mamile, at kung ano-ano pa, 'wag lang 'to, 'wag lang ang kahit anong may relasyon sa akademiks.
Ngunit, magiging tapat ako sayo, kung gano man kalaki ang pagtanggi ko sa pagsusulat, ganoon din naman kalaki ang interes ko sa pagbasa ng mga liham. Noong bata pa ako, pinapadalhan ako taon-taon ng mga liham, walang palya 'yan, hindi ko man nakikita si Mr. Mail man na naghahatid ng sulat, pero ang nanay ko lagi ang sumisigaw ng aking pangalan kapag may nag-sulat sa akin. Ang mga liham na natatanggap ko ay karaniwang nangga-galing kay "Santa Claus", sa lola ko at ang kaibigan ko na parehas nakatira sa California. Tuwing bubuksan ko na ang mga ito, ingat na ingat ako nang hindi masira ang envelope, tinitignan ko kung ilang stamps ang nakalagay, kung ilang bansa ang dinaanan, at kung gano katagal bumyahe ang liham, bago nakarating sa akin.. at pag binasa ko na, isang malaking ngiti ang naka-paskil sa aking mukha.
Siguro magtataka kung bakit ako ay lubhang nagagalak sa isang papel lamang na sinulatan, tinupi, pinasok sa loob ng isang pang-karaniwan na envelope. Napakababaw ko naman sigurong tao. Marahil ako nga ay mababaw, pero nakikita ko kasi ang ganda at ang pinagmumulan ng mga salita sa isang liham. Mga salita na nangga-galing pa sa puso, pinagpilian pa ng magandang papel, gagamitan ng pinaka-magandang lapis o bolpen na pangsulat at doon palang ilalathala ang mga salita na matagal na pinagnilayan, at sa dulo ng papel, ilalagda ng minamahal na manunulat ang kanyang pangalan, bago isiping i-tiklop at ilagay sa isang envelope.
Ang mga liham na aking natanggap, magmula pa noon, ay nakatago sa isang kahon. Ito ang maganda sa mga liham, natatago mo, at pwede mong paulit-ulit na basahin, kailan man, saan man. Pwede mo pagtuonan ng emosyon, depende kung ano ay iyong nararamdaman. Marami-rami narin akong mga sulat na natanggap galing sa iba't ibang taong nakilala ko, at sa tagal ko na nakilala sila, kung babalikan ko ang mga liham na binigay nila sa akin, nakikita ko kung ano klase siyang tao. At dito ko rin minsan napapansin kung siya parin ang taong unang nakilala ko.
Iyon ang maganda sa mga liham, hindi napapalitan, nabubura, ang mga salita at saluobin na naglalaman nito, doon nagtatapos ang storya matapos mo tuldukan at pirmahan ng pangalan. Natatapos ang oras kung kailan mo ito sinulat at kung sino ka man noong sinulat mo, ngunit ito rin ay walang katapusan, dahil ang nagsulat ng liham na iyon, ay patuloy na nag-iiba, at sumusunod sa daloy ng panahon.
Mahal kong kaibigan, sa pagtapos ko ng liham na ito na ito, sana ay may naiwan akong aral sa iyo, hindi ko man maitiklop at mailagay ang isang blog sa loob ng envelope, ituring mo itong isang liham tulad ng aking naikwento.
Nagmamahal,
Maacah Solis
November 9, 2012
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento