Sabado, Nobyembre 3, 2012

Mga Alaalang Nagdaan

Inilathala ni Kristine Grace Vicedo mula sa Taong IV, Silid Bilang VII.

Sabi ng kantang Ingles ng mang aawit na si Jay Sean, “Party like, like it’s the end of the world. We’re gonna party like, like it’s 2012!” Ngayon lamang ata may umawit tungkol sa isang taon at ang mensahe pa ng kanta ay ang magpakasaya nang parang guguho na ang mundo. Totoo nga kaya ang prediksyon ng mga Mayan na matatapos na ang mundo sa Disyembre ng taong ito? Kung oo, tayong mga Pilipino ay maraming mababaong mga alaala sa kabilang buhay dahil sa mga naganap sa taong 2012, kahit na Nobyembre pa lamang ngayon. Halika at sabay nating balikan ang mga pinakaimportanteng pangyayaring tumatak sa mga Pilipino sa taong ito.

Sa usapang Politika sa Pilipinas, Enero pa lamang ay nagsimula na ang paglilitis sa inaakusahang Chief Justice o Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na si Renato Corona. Pagdating ng Mayo ay nahatulan si Corona ng nagka-sala na naging dahilan nito para makulong siya at matanggal sa kanyang pwesto. 


Pagdating ng Agosto ay itinalaga si Maria Lourdes Sereno bilang bagong Punong Mahistrado. Sa buwan ng Hulyo naman naganap ang taon-taong SONA o sa Filipino ay Talumpati sa Kalagayan ng Bansa. Ang kasalukuyang presidente ng Pilipinas na si Benigno Aquino III parin ang naghatid ng mga mensahe ukol sa kasalukuyang dinaranas ng bansa at ng mga Pilipino. Sa malungkot na balita naman ay noong Agosto, pumanaw ang DILG Secretary o ang Kalihim ng Interyor at Pamahalaang Lokal na si Jesse Robredo dahil sa isang aksidente ng eroplano. Tunay na nanghinayang ang mga Pilipino sa kawalan ng bansa ng isang tapat at mabuting politiko. Dahil dito, ang bago nang Kalihim na itinalaga ay si Mar Roxas. Setyembre ay isinabatas ang “Cybercrime Prevention Act” na umani ng sangkatutak na batikos hindi lamang mula sa mga kabataan ngunit pati sa mga ibang gumagamit ng internet.

Sa larangan naman ng sports, noong Mayo ay nanalo ang B-Meg Llamados laban sa Talk ‘N Text Tropang Texters sa PBA Commissioner’s Cup Finals. Hunyo naman ay nagulat ang mga Pilipino nang matalo si Manny Pacquiao ni Timothy Bradley at nawala kay Pacquiao ang kanyang WBO Welterweight Championship belt, ngunit kahit ganito ay si Pacquiao parin ang panalo sa puso ng bawat Pilipino. People’s Champ nga talaga, kumbaga. Pagbalik sa larangan ng basketball ay ngayong Oktubre lamang ay nagwagi nanaman ang Ateneo Blue Eagles sa UAAP championships, laban sa UST Growling Tigers.

Noong taong 2009 ay naganap ang Ondoy – isa sa mga hindi malilimutang bagyo ng mga taga Maynila dahil halos ang buong rehiyon at mga karatig lugar nito ay nalubog sa baha. Tila naulit ito sa dalang ulan at baha ng hanging habagat sa mga taga Maynila. Ngunit, salamat sa Diyos ay mas kaunti ang mga nasalanta sa habagat kumpara parin sa bagyong Ondoy.

Sa aspetong aliwan naman at showbiz, maraming mga banyagang bumisita sa bansa hindi lamang para mag konsyerto ngunit pati narin mag endorso ng iba’t ibang mga tatak. Ngunit, ang konsyerto ni Lady Gaga noong Mayo na marahil ang umani ng maraming reaksyon dahil sa mga nagprotesta na huwag ito payagan na magkonsyerto dahil sa mga kontra-Kristo umano nitong mga kanta. Subalit kahit maraming mga Kristyanong nagprotesta nito ay natuloy parin ang konsyertong inabangan at dinaluhan ng libo libong mga tagahanga ni Lady Gaga. Pero, marahil na ang pinaka tumatak sa mga puso’t isipan ng bawat Pilipino ngayong taon ukol sa showbiz, ano mang edad, ay ang pagpanaw ng Hari ng Komedya na si Dolphy noong Hulyo. Sabay sabay nagluksa ang bansa sa kawalan ng isang napakahusay na actor at komedyante.

Kamakailan lamang, ngayong Oktubre ay may naganap rin sa isang Pilipino na nakilala sa buong mundo na si Pedro Calungsod. Matapos ang sobrang tagal na paghihintay ay na-kanonisa narin siya bilang santo. Si Blessed Pedro Calungsod ang pangalawang PIlipinong santo.






Kay rami nang nagdaan at naganap sa taong ito. Ang iba ay malungkot habang ang iba naman ay masaya. Ngunit hindi parin tapos ang taong ito. Ang tanong ay andyan parin: matatapos nga kaya ang mundo nitong paparating na Disyembre? Marahil na oo, marahil na hindi. Marahil na binabasa mo ito at lampas na ng Disyembre 2012, at kung gayon nga ang sitwasyon ay salamat sa Diyos na hindi gumuho ang mundo. Marahil ay binabasa mo ito at ako’y may mga apo na o hindi kaya’y pumanaw na. Guguho man ang mundo sa susunod na dalawang buwan, ako’y hindi mababahala at magpapakasaya na lamang tulad ng payo ni Jay Sean sa kanyang kanta. Darating ang oras na hindi maiiwasan ng kung sino man, at pagdating ng oras na iyon, ako’y masaya dahil nakabahagi ako ng piyesa ng aking kasalukuyan sa iyong kasaysayan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento