Huwebes, Oktubre 25, 2012

Ang uso noong 2012


Tanya Flores
IV-7


            Magandang umaga, hapon, o gabi, sa inyong lahat! Ako po si Tanya Kristina T. Flores, labing-pitong taong gulang, at nag-aaral sa St. Paul College, Pasig. Ipinanganak ako noong ika-25 ng Hunyo 1995. Ako at ang aking pamilya’y nakatira ngayon sa Lungsod ng Pasig sa Pilipinas. Nais kong malaman ninyo na isinusulat ko ito ngayong ika-23 ng Oktubre 2012. Hindi ko alam kung mababasa niyo ito kung patay na ako o buhay pa. Sa blog na ito, sasabihin ko sa inyo ang mga uso ngayon sa “fashion” dahil mahilig ako sa damit, sapatos at iba pang mga gamit na konektado sa mga moda.

            Maraming mga damit na uso noong 1960’s, 1970’s o 1980’s ay bumalik na ngayong 2012. Ang mga halimbawa nito ay ang mga “high-waisted shorts”. Dahil mainit talaga sa Pilipinas, palaging uso ang shorts. Hindi naman gaanong kaikli kagaya sa mga babae sa United States, pero tama lang naman ang haba nito. Maraming mga iba’t-ibang klaseng shorts na gusto ng kabataan ngayon. Ako at ang aking mga kaibigan ay gumagawa ng sarili naming shorts at tinatawag din itong “DIY o Do It Yourself” dahil kami-kami lang ang gumagawa nito. Ang kainaman dito ay kung anong itsura ang gusto naming ipakita sa araw na yon, kayang-kaya naming magawa iyon.

            Nauso din bigla ang mga “Aztec print” na pwede para sa mga shorts, mga damit o mga sapatos din. May mga damit din na may dalawang kulay na akala mo’y hindi bagay sa umpisa, pero kapag pinagdikit mo pala ay bagay din. Ang tawag dito ay “color blocking”. 


Sa mga sapatos naman, para sa mga pormal na okasyon, ang mga babae ay mahilig magsuot ng napakataas na sapatos! Minsan 4, 5 o 6 inches na ang taas ng takong na sinusuot nila! Ang tawag dito ay “platform heels”.


            Ano na kayang taon ngayon? Ano kaya ang sinusuot ng mga kabataan ngayon? Sigurado akong lalong mas gaganda ang magiging uso sa darating pang panahon. Maabilidad ang mga Pilipinong designer at stylist. Iba talaga ang Pinoy!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento